Friday, June 20, 2014

ANG KWENTO NG LIANGA BAY (Surigao del sur)



(BABALA : Ang kwentong eto ay hindi seyento porsyentong totoo, marami sa mga kaalaman na naisulat ko ay ayon sa aking nababasa at narinig. Bukas ang kwentong ito sa mga koresyon at dagdag na katotohanan para sa kapakanan ng lahat - May Akda) 

PART 1

Katatapos lang ng pangalawang digmaang pandaigdig (World War 2) nang gumawa ng batas Pilipinas na payagan ang mga dayuhan na magtayo ng mga kompanya at industriya na makakatulong sa pagtayo at pagsulong ng Pilipinas mula sa matinding kahirapan dahil sa gyera. Isa ang Pilipinas sa pinaka napinsala sa pag atake at pam bobomba ng mga Hapon.

Dahil doon, maraming mga negosyanteng Amerikano ang nagpunla ng kapital sa Pilipinas. Isa na doon ang mag asawang Amerikano na si Alvin at Christine Jacobson na pinayagang magtayo ng isang kumpanya upang makaputol ng naglalakihang troso sa mahigit 59,000 ektaryang kagugabatan ng Surigao del sur sa Mindanao.

Sa kapital na hindi tataas ng 6 milyong dolyares ay naipatayo ang Lianga Bay Logging Company Inc o LBLCI Isa iyon sa pinaka malaking kompanya sa boong Pilipinas sa dekada singkwenta. Isang birhin na kagubatan ang Surigao del sur ng pasukin ito ng ng mag asawang Jacobson na protestante ang relihiyon.

Doon sa baryo ng Diatagon itinayo ng Lianga Bay ang kanilang mga operasyon. Gumawa sila ng pantalan, paliparan, ospital, pactorya ng venneer, power plant, kampo o pabahay, mga opisina, motor pool, log pond at iba pa. Maraming mga Pilipino mula sa boong sulok ng Pilipinas ang nabigyan ng trabaho.

Noong dekada saysenta, lalong lumakas ang operasyon ng Lianga Bay. Nagkaroon ng kooperatiba ang mga manggagawa doon nat nag taho sila ng isang napakalaking kantina kung saan mabibili ng mga manggagawa ang kanilang mga kinakailangan sa araw-araw na kung tawagin ay LECCA. Isa iyon sa pinaka malaking at pinaka matagumpay na kooperatiba sa boong Pilipinas ayon pa sa Cooperative Development Authority (CDA). Ang LECCA ay isa sa mga modelong kooperatiba ng ginaya ng mga naglalakihang kooperatiba hanggang ngayon.

Masaya ang mga Amerikano na may-ari ng kompanya. Masaya rin ang mga manggagawa nito. Subalit bago matapos ang dekada saysenta ay gumawa ulit ng Batas ang Pilipinas na sa loob ng sampung taon, lahat mg kompanya na nasa negosyo na nag-aani ng mga likas na yaman ay dapat 60 porayento na pag-aari ng mga Pilipino.

Samantala, bago mag dekada setenta ay ibininta ng mag asawang Jacobson ang kompanya sa isang higanteng Amerikanong korporasyon na Georgia Pacific. Ang Georvia Pacific is isa sa tatlong pinaka malaking logging company sa boong mundo.

PART 2

Mayroong mahigit 800 manggagawa ng Lianga bay noon. Dahil sa bagong batas na nag uutos na dapat 60 porsento ng mga logging company sa Pilipinas ay Pinoy dapat ang may ari, napag pasyanhan ng mga Amerikano na ibigay ng dahan-dahan ang pagmamay-ari ng kompanya sa kanilang mga manggagawa. Gumawa ng kasundoan ang mga Amerikano sa isang bangko na hahawak ng katibayan ng pagmamay-ari ng kompanya na ito ay ibibigay sa mga manggagawa sa panahon na mabawi nila nag ka ilang kapital. Ang kasundoanv iyon ay pinirmahan sa Hongkong.

Taong 1969 ng mahalal si Ferdinand E. Marcos bilang pangulo ng Pilipinas. Kaibigan ni Pangulong Marcos ang Sekretarya Korprasyon ng Lianga Bay Na si Atty. Roberto Sabido. Marahil ay naka amoy ng pagkakataon si Pangulong Marcos at atty. Sabido at umiksina sila sa Lianga Bay.

Ang mahigit 6 million dolyares na pag-aari ng Lianga bay pinaghahati-hati sa mahigit kumulang 60,000 na hati (shares) at bawat isa nito ay may tinatayang halaga na 90 dolyares. Dapat 60 porsyento nito o 36,000 na hati (shares) ay ibibigay sa 800 na manggagawa. 

Sa bisa ng isang kontrata na pinirmahan ng mga Amerikano at isang Banko ay nailipat nag pagmamay-ari ng 60 porsyento o 36,000 shares sa mga manggagawa. Subalit hindi agad ito ibinigay sa mga mangagawa. Hinawakan muna ng banko ang mga shares. I ibigay lang ito sa panahon na mabayaran o makabawi na ang mga amerikano sa ka ilang puuna sa pamamagitan ng dibedendo sa kita (net income) ng kompanya sa mga darating na mga taon. 

Dahil na rin sa problemang pangkayapaan at rebelyon, napa-aga ang alis ng mga Amerikano sa Lianga bay. Lingid sa kaalaman ng nakakarami, mahigit sampong libong shares ng kompanya ay naipangalan kay Roberto, mga kamag-anak at mga kaibigan nito. Taong 1982 ay naghirap na ang kompanya dahil sa hindi magandang pamumuno ng mga pinoy. 

Umeksina si Peter Sabido, anak ni Roberto Sabido. Pinakiusapan ni Peter Sabido ang lahat ng mga mangagawa na pumirma ng kasulatan na ibigay sa kanya ang lahat nag pagmamay-ayi (shares) ng kumpanya. Ayon sa kanya, kailangan iyon upang magiging matibay ang kanyang mga desisyon bilang mayorya (majority) na may-ari na kompanya. Kailangan daw iyon upang magkaroon ng tiwala ang mga banko at taga benta (supplier) ng kompanya.

Natupad ang gusto ni Peter Sabido. An di pumayag sa hiling niya ay tinanggal sa trabaho o kaya ay pinag-iinitan. Marami ang bumitaw sa trabaho at nagpabayad sa kanilang tagal ng paninilbihan (length of service) ayon sa kasundoan ng kompanya at unyon ng mga mangagawa. 

Sa pamamalakad ni Peter Sabido ay lalong naghirap ang kompanya. Halos aabot ng tatlo hanggat anim na buwan bago maka zweldo ang mga manggagawa. Panay ang operasyon, hakot ng troso at produksyon ng veneer at ply wood pero walang sahod.

PART 3

Nagkaroon ng mga malawakang welga ang mga manggagawa ng Lianga Bay mula 1984 dahil sa tagal ng sweldo at di pagbibigay ng mga benepisyo. Humina ang LECCA at halos wala nang gamot ang ospital. Lumakas din ang rebelyon sa bansa at napasok ng mga rebeldeng NPA ang organisasyon ng mga mangagawa ng Lianga Bay. Magkapit bisig ang Kilusan ng mga rebelde, mga mangagawa at pati na simbahan sa paglaban sa katiwalian sa loob ng kompanya at pati na rin sa gobyerno.

Nag welga, balik trabaho, welga ulit, balik trabaho ulit mag mga mangagawa. Patuloy ang bagal ng sweldohan habang panay ang prodoksyon ng troso at plywood. Kung saan ang pera, ang administrasyon lang ng kompanya ang nakaka alam. Kung saan ang milyon-milyon benta ng troso at plywood, di alam mg karamihan ng mga mangagawa. Nasa Ortigas, Manila ang opisina ng kompanya. Nandoon lahat ang desisyon tungkol sa pera.

Napatalsik si Marcos ng taong 1986. Naging Presidente si Cory Aquino at itinayo niya ang Presidential Commission on Good Government o PCGG. Taong 1987 noon kung saan daan-daang kompanya na kontrolado at pag-aari ni Marcos at mga kasabwat (crony) nito ay kinuha (seqestered) ng PCGG at kinasuhan sa Korte ng Sandigan Bayan. Isa sa kinasuhan (sequestered) ng PCGG ay ang Lianga Bay. Nakapaloob sa kaso na may bilang 0024 ang apat na kumpanya na pinaghihinalaan ng PCGG na Pagmamay-ari ni Marcos sa pamamagitan ng kanyang kasabwat na si Roberto at anak nitong si Peter Sabido. 

Simula 1987 ay naging parte ang PCGG sa pamumuno ng Lianga Bay. Lumaban sa kaso sina Peter Sabido. Nag sumite sila ng ebidensya na hindi pag-aari ni Marcos ang Lianga Bay. Nakiaalam na rin ang mga mangagawa sa kaso at sinabi sa Sandigan Bayan na ang mga mangagawa ang totoong may-ari ng mayorya (majority) o 70 porsyento ng kompanya dahil dinagdagan pa ng mga Amerikano mula 60 hang 70 porsyento ang pagmamay-ari ng mga manggagawa ng kompanya.

Naniwala ang Sandigan Bayan kay kina Peter Sabido at sa mga mangagawa ng Lianga Bay na sila ang tunay na may-ari ng kompanya. Ipapawalang bisa na sana ng Sandigan Bayan ang pagkuha (sequestration) PCGG sa Lianga Bay at ipaubaya na kina Peter Sabido at mga manggagawa ang pamamahala ng kompanya. Subalit nag-bago ang isip ang ledirato ng mga mangagawa. 
Napag-isip-isip nila kung mawala ang PCGG sa pamunuan ng Lianga Bay ay babalik sa dati ang sitwasyon kung saan si Peter Sabido ulit ang hari at diktador. Kaya ang mangagawa na rin mismo ang tumutol na mapawalang bisa ang kaso ng PCGG. Mas pinili ng liderato ng mga mangagawa na hindi bitawan ng PCGG ang Lianga Bay.

Part 4

Kaya ipinatuloy ang kaso ng PCGG laban kina Peter Sabido. Patuloy din ang pakikialam ng PCGG sa pamamahala ng kompanya. Dahil na rin sa kawalan ng kaalaman, pagkakaisa at sinserong serbisyo sa kompanya na pinamumunoan nina Peter Sabido, ledirao ng mga mangagawa at PCGG, tuluyang nalugi at nag sara ang kompanya.

Kaya nag organisa ulit ang mga mangagawa ng bagong kompanya. Tumulong ang PCGG na magkaroon ng lisensya ang mga grupo ng mga mangagawa upang ipagpatuloy ang pag putol ng mga troso sa kagubatan upang patuloy na may kabuhayan an mga manggagawa at mga pamilya nila.

Itinayo ang kompanyang Diascrimco at Cedimco na grupo ng mga mangangawa rin. Patuloy ang pag totroso ng mga ilang taon. Pero hindi tumagal ay sumadsad din at nag sara ang dalawang kompanya. Kawalan ng kaalaman, walang pagkakaisa at kurapsyon sa mga lider ang naging mitsa sa pagbagsak ng dalawang kompanya. Kasali na doon ang pakikialam ng mga politiko at mga rebelde na gusto makihati sa negosyo ng pag totroso.

Wala na ulit trabaho nag mga tao. Lahat ng mga manedyer, mga lider ng kompanya at mga mangagawa mismo ay nagkanya-kanya na ng kuha ng mga gamit at ari-arian ng kompanya. Milyon-milyon na halaga na gamit ng kompanya ay nilustay, ibinenta at pinag parte-partehan ng mga manedyer,lider at mga mangagawa. Marami ang nag reklamo sa hatian. Ubos lahat ng gamit ng kompanya. Ransak dito, ransak doon. Naglahong parang bola ang lahat ng mga ari-arian ng kompanya sa isang iglap.

Mula 1995 hanggang 2004 ay tanggap na ng mga manggagawa na wala na ang kompanya. Wala na lahat ng planta, mga sasakyan, makinarya, estabisamento, opisina at iba. Merong mga nagka pera. Marami ang nawalan. Gutom ang sinapit ng mga manggagawa.

PART 5

Taong 2004 ng mabuhay ulit ang kwento tungkol sa kaso ng Lianga Bay sa Sandigan Bayan. Meron daw isang abugado ni Peter Sabido ang sekretong pumanta sa St. Chritine at Diatagon. Ayon pa sa kwento sinabi daw ng abugado ni Peter Sabido na dapat magkaisa ang mga mangagawa na tumulong kay Sabido na tuluyan ng ipawalang bisa ang kaso sa Sandigan Bayan. Ayon pa sa tsismis, meron daw dalawang bilyong piso ang nasa banko na nasa pangalan ng Lianga Bay. Hindi raw ito makuha ninuman kung hindi bitawan ng PCGG at Sandigan Bayan ang kaso laban sa mga Sabido.

Biglang nagkaroon ng mga buluntaryo ang mga mangagawa at mga kamag-anak. Kumuha ng abugado ang mga boluntaryo at nakipag-usap sa PCGG at Sandigan Bayan. Maraming paglilitis ang itinakda pero wala ring nagyari. Panay postpone ang hearing at walang pagkakaisa sa mga bulontaryo na nasa Manila, St. Christine at Diatagon. Nagpapalit-palit ng abugado ang mga bulontaryo. Hindi umusad ang kaso. Wala ring tunay na pagkakaisa ang mga mangagawa.

Hanggang sa maungkat ng mga boluntaryo at grupo ng mga manggawa ang tatlong bank account na nakapangalan sa Lianga Bay na hindi naisali sa freeze order ng PCGG at Sandigan Bayan. Sa awa ng dyos nakakuha ng mahigit P 800,000 at P 3,300,000 mula 2006 hangang 2011 ang mga mangagawa sa dalawang banko. Iyon ay pinaghati-hati ng mga manggagawa. Pero marami ang hindi kontento at hindi nakakaintindi kung paano ba hinati at ginasta ang mahigit P 4 Million peso na pera ng mga manggagawa. Maraming ang nagtatanong kung magkano daw ba ang naibigay sa mga mangagawa, magkano ang ibinayad sa abugado at paano ginasta ang lahat ng pera.

Ngayong buwan ng Abril 2014, meron na namang kwento na may pera daw na matatanggap ang mga manggawa mula sa Sandigan Bayan. Gaano ba ito ka tutuo? 

-KATAPOSAN


1. Tanong : Ano po ba ibig sabihin ng shares of stock?
Sagot : Ito ay isang papel na nagpapatunay na ikaw ay isang may-ari ng kompanya.

2. Tanong : Totoo bang po ba na 90 dolyares ang halaga ng shares of stock ng Lianga Bay?
Sagot : Noon pa yon, taong 1970s. Ngayon, wala na itong halaga dahil wala na ang kompanya at mga ari-arian nito. 

3. Tanong : Eh bakit pa ba umasa ang mga tatay natin kung walang halaga na ang kanilang shares of stock?
Sagot : Dahil sa paniniwalang may pera pang naka tago sa banko na naka pangalan sa Lianga bay. Kung totoo yon, ibig sabihin 70 percent ng perang iyon ay pagmamay-ari ng mga tatay natin. Kung may isang libong piso ang nakatago, pitong daan ang pagmamay-ari ng mga tatay natin

4. Tanong : Paano nangyari na may nakatagong pera na naka pangalan sa Lianga Bay? 
Sagot : Dahil noong 1987 merong mahigit 26 na bank account ang pina freeze ng Sandigan Bayan sa kaso bilang 0024 na pagmamay-ari ng apat na kompanya at isa doon ang Lianga bay.

5. Tanong : ilan ba ang nasa pangalan ng Lianga Bay sa mga na freeze bank account ng Sandigan Bayan?
Sagot : Ang Sandigan, PCGG at si Peter Sabido lang ang nakakaalam. Pweding marami at pweding wala.

6. Tanong : Paano ba natin malalaman kung ilan ang bank account ng Lianga Bay?
Sagot : Makig-usap tayo sa Sandigan Bayan, sa PCGG at kay Peter Sabido

7. Tanong : Eh, bakit hindi tayo nakipag usap sa kanila noon pa?
Sagot : Iyon ang layunin ng mga bulontaryo dati pero naubusan ng pera para sa abugado, sa pag meeting ng mga tao sa Mindanao at Maynila at walang pagkakaisa sa mga lider ng mga mangagawa.

8. Tanong : Pwede ba natin gawin ngayon?
Sagot : Pwede. Pero dapat maroong mamumuno na nakakaintindi ng punto legal, at mapagkakatiwalaan ng karamihan. Kung hindi, maaring mauuwi rin sa wala dahil sa korapsyon o teknikalidad.

9. Tanong : Di ba may grupo na nagkakaisa sa Diatagon na nakakuha na ng pera sa banko mahigit 4 na milyong piso? Anong ginagawa nila?
Sagot : Di ko alam.

10. Tanong : Gaano ba katotoo ang kwento na may pera na daw makukuha sa Sandigan Bayan ngayong Hunyo?
Sagot : Di ko alam. Pero kailangan ng taong nakakaintindi ng punto legal at mapagkakatiwalaan ng karamihan ang dapat pumunta at sumali sa sinasabing hearing sa sandigan bayan upang maka intindi at makapag paliwanag sa karamihan na walang labis, walang kulang.

11. Tanong : Bakit?
Sagot : Dahil kawawa ang mga tatay natin na panay ang gasta at umaasa sa wala.

12. Tanong : Sino ka ba? Paano mo ba nalaman ang lahat ng isinulat mo? 
Sagot : Anak ako ng isang manggagawa sa logging department at may share ang tatay ko. Isa akong CPA at nakapag tapos ng Abugasya. Isa ako sa nag bulontaryo doon sa Maynila noong taong 2004 upang isulong ang kaso. Ako ang bumasa at nag reconstruct ng theory ng kaso at nag re-produce ng mga ebidensya sa ating abugado at sumali sa mga hearing ng Sandigan bayan. Nabasa ko ang karamihan ng pleadings at exhibits nina Sabido, ng PCGG at Lianga Bay workers bilang intervenor sa kaso.

-Sulat ni 
Jun Abines.

No comments:

Post a Comment